Iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang 5.6% na paglago sa ekonomiya ng bansa sa huling quarter ng 2023.
Bahagyang mas mababa ito kumpara sa 5.9% Gross Domestic Product (GDP) noong ikatlong quarter ng taon at 7.1% growth rate sa kaparehong quarter ng 2022.
Dahil dito, umabot sa 5.6% ang annual GDP rate na kapos sa target ng gobyerno na 6% hanggang 7% na paglago para sa taong 2023.
Sa ikaapat na quarter, naitala rin sa 11.1% ang Gross National Income (GNI) habang tumaas sa 97.7% ang Net Primary Income (NPI).
Habang sa kabuuang taon ng 2023, ang GNI ay tumaas ng 10.5%, habang tumaas naman sa 96.6% ang NPI.
Ang mga sektor namang may malaking kontribusyon sa pagtaas ng GDP sa ikaapat na quarter ng 2023 ay ang financial at insurance activities; wholesale at retail trade; repair ng motor vehicles at motorcycles; at construction.
Bagamat hindi naabot ang target ng gobyerno, positibo pa rin naman si National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan sa lagay ng ekonomiya ng bansa na maituturing pa rin aniyang isa sa mga ‘best performing economies’ sa Asya.
Katunayan, lamang pa rin aniya ang GDP ng bansa kumpara sa naitala sa China (5.2%) at Malaysia (3.4%) sa huling quarter ng 2023. | ulat ni Merry Ann Bastasa