Inilabas na ng Malacañang ang kautusan para sa reactivation ng Task Force El Niño, upang mapaigting pa ang long at short term solutions ng gobyerno, upang masiguro ang food security, at water at energy security, ngayong nananatili ang epekto ng El Niño phenomenon sa bansa.
Sa ilalim ng Executive Order no. 53, nakasaad ang pangangailangan na masiguro ang kabuhayan ng mga Pilipino, sa gitna ng tagtuyot, kasabay ng pagpapaigting ng disaster at climate resilience ng bansa.
Sa bisa ng kautusan, pamununhan ng kalihim ng Department of National Defense (DND) ang task force, sa ilalim ng Office of the President (OP).
Magsisilbi namang co-chair ang kalihim ng Department of Science and Technology (DOST).
Magsisilbing miyembro ang mga kalihim ng DENR, Department of Agriculture (DA), Department of Health (DOH), at National Economic and Development Authority (NEDA).
Binibigyang kapangyarihan ang task force na i-update at rebisahin kung kinakailangan ang Strategic El Niño National Action Plan.
Ito rin ang mangunguna at magmo-monitor sa mga gagawing pagkilos ng mga tanggapan ng pamahalaan upang mapabilis ang pagsasakatuparan ng mga programa, infra projects, at mga plano na layong pagaain ang epekto ng El Niño sa bansa.
Huhugutin ang pondo ng task force sa kasalukuyang pondo ng member agencies at ng available na pondo na matutukoy ng ng Budget Department.
Pirmado ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kautusan ika-19 ng Enero, 2024. | ulat ni Racquel Bayan