Welcome kay Senador JV Ejercito ang desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawigin ang deadline para sa franchise consolidation ng Public Utility Vehicles hanggang April 30.
Ayon kay Ejercito, ang tatlong buwang extension ay makapagbibigay ng mas maraming oras sa mga nais na makipag-partner sa pamahalaan para maresolba ang lumalalang problema sa transportasyon sa Pilipinas at maglatag ng maaasahang serbisyo para sa mga komyuter.
Ang pinalawig na deadline ay umaayon aniya sa layunin ng pamahalaan na mapabilis ang isang mas maayos na transition para sa sektor.
Titiyakin rin aniya nito na ang proseso ay magiging kaaya-aya para sa mga operator at driver ng jeepney.
Muli ring binigyang diin ni Ejercito ang kaniyang buong suporta para sa pagpapabuti at pagiging moderno ng public transport system sa Pilipinas. | ulat ni Nimfa Asuncion