Muling nagbabala ang Food and Drug Adminsitration (FDA) hinggil sa mga naglabasang glutathione products na hindi rehistrado sa FDA.
Ayon kay FDA Attorney III Pamela Angeline Sevilla, patuloy ang kanilang monitoring sa mga hindi lisensyadong gluta-products dahil karamihan sa mga ito ay ini-inject sa tao at maaaring magkaroon ng side effect kung sakaling hindi dumaan sa quality standards ng FDA.
Sa ngayon ang tangi nilang inaaprubahan na gluta-products ay para lamang sa Cisplatin chemotherapy kung saan isa ang glutathione sa ginagamit na sangkap sa paggamot ng advance stage ng cancer sa bladder at ovarian cancer.
Kaya naman muling paalala ng FDA sa publiko na maging mapanuri sa mga itinuturok at gamot na bibilhin sa merkado at tanging may FDA approval lamang ang gamitin. | ulat ni AJ Ignacio