Patuloy na binabantayan ng Department of Health (DOH) ang mga kaso ng tetanus na kaugnay ng paputok habang umabot na sa bilang na 609 ang kabuuang kaso ng mga firework related injury (FWRI).
Ayon sa pinakahuling bulletin ng surveillance ng DOH, mayroong 9 na bagong kaso ng mga naputukan habang patuloy pa rin ang pag-validate ng mga kaso kaugnay ng ligaw na bala.
Kaya naman patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DOH sa Philippine National Police (PNP) para kumpirmahin ang huling bilang ng mga kaso.
Samantala magpapatuloy naman ang monitoring ng kagawaran sa mga kaso ng tetanus hanggang January 25 dahil sa incubation period umano nito na umaabot ng 21 days.
Nangunguna pa rin ang National Capital Region sa listahan na may 320 na kaso, sinundan ng Ilocos Region, Calabarzon, at Central Luzon.
Kasama sa mga pinsala ang 33 nasabugan o nasunog na humantong sa amputation, 155 na may pinsala sa mata kung isa rito ang kumpirmadong nauwi sa pagkabulag, at dalawang may pagkawala ng pandinig.
Sa tala ng DOH, 96% ng mga kasong ito ay nangyari sa bahay o sa kalsada, karamihan ay mga kalalakihan.
Habang 64% namang ng mga FWRI ay sanhi pa rin ng mga paputok tulad ng kwitis, five star, pla-pla, luces, whistle bomb, boga, at fountain. | ulat ni EJ Lazaro