Hinikayat ni Speaker Martin Romualdez ang iba’t ibang foreign investors na mamuhunan sa Pilipinas, sa pamamagitan ng Maharlika Investment Fund.
Sa “Breakfast Interaction” kasama ang Philippine Delegation sa 2024 World Economic Forum (WEF) sinabi ni Romualdez sa mga ehekutibo at top executives ng mga nangungunang international business at interest groups na ngayon ang pinakatamang panahon na mamuhunan sa Pilipinas.
Pagbibida nito na lumago ang ekonomiya ng bansa ng hanggang 5.9% sa 3rd quarter ng 2023.
Bunsod na rin aniya ito ng matatag na ekonomiya ng bansa sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na nagpatupad ng mga reporma upang maging investor-friendly ang bansa.
“I am heartened and thankful for the interest we have received from both local and foreign investors who have recognized this as the most opportune time to invest in the MIF. We are extremely optimistic in the continued growth of the Philippine economy and the potential of the MIF and look forward to a fruitful partnership with our investors as we build a better, brighter future for our countrymen,” pahayag ni Romualdez.
Aminado si Romualdez na humarap sa hamon ang Pilipinas lalo na noong COVID-19 pandemic, ngunit desidido aniya ang Pangulo na ibangon ang ekonomiya ng bansa.
Isa sa mga hakbang para maisakatuparan ito ay ang pagtatatag ng sariling sovereign, wealth fund na malayo sa impluwensya ng politika at pinamumunuan ng mga bihasang managers.
“With the government’s full support, the MIF will be stable, profitable, and economically sound. As the President has said, it will be “run professionally and without undue political influence.” Skilled, experienced managers will handle the operations to preserve and enhance the value of the fund, with auditing mechanisms and financial safeguards in place,” pagtiyak pa ni Romualdez.
Kasabay nito ay nabanggit din ng House leader ang pagkakasundo ng Kamara at Senado sa pagkakaroon ng reporma sa Konstitusyon para sa isang competitive, inclusive, at matatag na economic environment.
“These reforms, one of which is to allow more flexibility on the entry of foreign direct investments in the country, provide long-term economic viability for many of our industries and will enable us to better adapt to the ever-evolving global landscape. Said reforms are not just timely but also long overdue, and I am honored to witness this process unfold,” sabi pa ni Romualdez.
Kasama ni Romualdez sa naturong pulong si Maharlika Investment Corporation CEO and President Rafael Consing Jr., Energy Secretary Raphael Lotilla, Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Eli Remolona, Permanent Representative to the World Trade Organization Ambassador Manuel AJ Teehankee, Philippine Ambassador to Switzerland Bernard Faustino Dy, at BSP Deputy Governor Berna Romulo-Puyat. | ulat ni Kathleen Jean Forbes