Target ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na doblehin ang bilang ng WiFi sites sa bansa, kung saan may libreng access sa internet ang publiko.
Ito ayon kay DICT Usec. David Almirol ay upang maalalayan ang digitalization ng mga LGU maging ang eLGU app ng mga siyudad at munisipalidad sa bansa.
Ang eLGU ay isang mobile application na nagsasama-sama ng mga serbisyo ng gobyerno gaya ng business permit licensing, community tax, local civil registry, at marami pang iba.
“In fact, ang part ng effort din po ng DICT ay habang nag-i-implement ang DILG at DICT at ARTA [Anti-Red Tape Authority] ng eLGU kailangan samahan na rin ng connectivity, kailangan magsasabay siya para parallel iyong effort.” —Usec Almirol.
Ayon sa opisyal, kailangan ng connectivity upang epektibong maipatupad ang eLGU.
Sa kasalukuyan, 60% na ng mga LGU sa buong bansa ang digitalized na.
Kung ikukumpara sa datos noong 2018, kung saan P50 billion ang business tax, fees, at charges na nakulekta ng lokal na pamahalaan dahil sa digitalization, pumalo ito sa P208 billion ngayong 2022, o apat na beses na mas mataas.
Bago magtapos ang 2023, umakyat pa sa 25,000 ang karagdagang Free WiFi sites ang na-install ng gobyerno. | ulat ni Racquel Bayan