Bagaman walang natatanggap na anumang seryosong banta ang Philippine National Police (PNP) kaugnay ng Traslacion 2024, hindi pa rin sila magbababa ng kalasag.
Ito ang inihayag ni PNP Chief, Police General Benjamin Acorda Jr. makaraang i-anunsyo nito na magpapatupad sila ng signal jamming at No Fly Zone sa Maynila sa mismong araw ng Traslacion ng Poong Itim na Nazareno sa January 9.
Ayon kay Acorda, nakahanda silang dagdagan pa ang ipakakalat nilang mga tauhan sakaling kailanganin, bukod pa sa 15,000 pulis na una nang idineploy para sa okasyon.
Pero nilinaw ng PNP chief na nakadepende sa pagpapasya ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, Major General Jose Melencio Nartatez Jr. ang anumang adjustment depende sa lebel ng banta na kaniyang matatanggap.
Bagaman magbababa na ng alerto ang PNP sa buong bansa sa January 6, subalit mananatili namang nakataas ang Full Alert status sa NCRPO hanggang sa pagtatapos ng Traslacion. | ulat ni Jaymark Dagala