Nais ng Department of Social Welfare and Development na paigtingin pa ang pamamahagi ng tulong sa mga pamilya at indibidwal na nakatira sa mga lansangan.
Sa ginanap na Inter-agency Committee (IAC) meeting ng Oplan Pag-Abot, hiningi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang suporta ng iba’t ibang member agencies.
Layon nito na mabigyan ng mas komprehensibong ‘package’ ng serbisyo at pamamahagi ng tulong ang mga mahihinang sektor ng lipunan.
Matapos ilabas ng Malacañang ang Executive Order No. 52 na nagpapalawig sa Oplan Pag-Abot ng DSWD, lumikha ang ahensya ng Inter-agency Committee (IAC) upang mas lalo pang mapalakas ang implementasyon ng programa.
Kasabay nito, sinabi din ng kalihim na kabilang sa plano ang mas komprehensibong pagbibigay ng tulong para sa mga benepisyaryo ng ahensya.
Sa Oplan Pag-Abot, hahatiran ng tulong ang mga taong nakatira sa kalsada, kabilang ang pagbibigay ng tulong medikal, pagkain, transportasyon at relocation assistance kasama na ang livelihood, transitory family support packages, at emergency financial at transitory shelter assistance. | ulat ni Rey Ferrer