Naitala ng Department of Trade and Industry (DTI) ang kabuuang bilang na aabot sa 984,332 na mga business name registration para sa taong 2023 sa buong bansa, katumbas ng 5% increase mula sa nakalipas na taon.
Ayon sa DTI, sa bilang na ito 88% ay pawang mga bagong rehistradong negosyo, kung saan top business activity ang mga retail selling sa mga sari-sari stores na sinundan ng mga restaurants at mga mobile food services activity.
Inihayag naman ng Business Name Registration Division ng DTI ang kanilang shift sa online registration kung saan noong Agosto 2023 lamang ay isinagawa ang full-scale implementation ng 100% ng mga online business registration para sa kanilang pag-streamline ng mga proseso at digitalization para sa mga small and medium enterprise (SME) sa buong bansa.
Binigyang-diin rin ni DTI Sec. Fred Pascual ang commitment ng kagawaran sa mga local government unit para mapasimple ang registration procedures at mga requirement para sa kapakinabangan ng mga Pinoy entrepreneurs partikular na ang mga micro, small, at medium enterprises (MSMEs).
Kasama rin sa mga inisyatiba ng kagawaran ang pakikipagtulungan sa mga Regional at Provincial offices para sa pagsusumikap na hikayatin ang mga magnenegosyo na magparehistro at maagang magpa-renew ng kanilang mga business name. | ulat ni EJ Lazaro