Iniulat ng Department of Social Welfare and Development na umabot sa higit 1.9 milyong kabataan ang nakinabang sa ipinatupad nitong Supplementary Feeding Program (SFP) noong 2023.
Alinsunod ito sa programang Early Childhood Care and Development (ECCD) ng gobyerno at ng Republic Act No. 11037 o ang ‘Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act’, kung saan nakatuwang ng DSWD ang mga lokal na pamahalaan (LGUs).
Sa ilalim ng programang SFP, binibigyan ng masusustansyang pagkain na pandagdag tulong sa regular meals ang mga batang may edad 2 hanggang 4 na taong gulang sa ilalim ng supervised neighborhood play (SNP), at mga batang nasa edad 3 hanggang 5 taong gulang na kabilang naman sa child development centers (CDCs).
Kabilang naman sa mga klase ng pagkain na ibinibigay sa mga bata ang mga indigenous foods o mga locally produced foods na may katumbas na 1/3 ng Recommended Energy and Nutrient Intake (RENI).
Bukod naman sa SFP, nagsagawa din ang DSWD ng Bangsamoro Umpungan sa Nutrisyon (BangUN) Project sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na naglalayon na maserbisyuhan ang mga kabataan dito na labanan ang malnutrisyon at matugunan din ang pangangailangan ng mga buntis at kapapanganak na ina.
Nitong nakaraang taon, naserbisyuhan ng BangUN Project ang may 18,867 kabataan at 3,133 buntis at kapapanganak na ina.
Ayon naman kay Asst. Secretary for Legislative Affairs Irene Dumlao, target pa ng DSWD, bilang siyang namumunong Inter-Agency Task Force on Zero Hunger (IATF-ZH), na paigtigin ang kolaborasyon nito ngayong taon sa iba pang ahensya, LGUs, at development partner para matuloy na maitaguyod ang seguridad ng pagkain sa bansa.
“For this year, the Department will continue to strengthen its collaboration with national agencies, LGUs, and development partners to realize the vision of the Marcos Administration for a hunger-free Philippines,” sabi ni Asst. Sec. Dumlao. | ulat ni Merry Ann Bastasa