Muling nagbabala ang Land Transportation Office-National Capital Region (LTO-NCR) sa mga nagmamaneho ng hindi rehistradong sasakyan.
Kasunod ito ng tina-target ng ahensya na pagpapaigting pa sa kampanya laban sa mga hindi rehistradong sasakyan ngayong 2024.
Ayon kay LTO Regional Director Roque I. Verzosa III Land Transportation Office-National Capital Region (LTO-NCR), malaking bilang na ng mga motorista na may delinquent motor vehicles ang natiketan noong 2023.
Katunayan, mula sa 2,200 na nahuli ng ahensya, 233 ang nagmamaneho ng mga hindi rehistradong sasakyan, na lumalabag sa mga probisyon ng Republic Act 4136, na kilala rin bilang Land Transportation and Traffic Code.
“Driving unregistered motor vehicles is considered illegal because it violates legal regulations, specifically the provisions outlined in Republic Act 4136, also known as the Land Transportation and Traffic Code,” sabi ni Verzosa.
Giit nito, kritikal ang pagpaparehistrado sa bawat sasakyan lalo’t nakasalalay dito ang kaligtasan ng mga road user.
“Vehicle registration is a crucial requirement for ensuring road safety, proper identification, and compliance with transportation laws.”
Samantala, bukod sa mga delinquent motor vehicle, nasa 633 ring motorista ang natiketan dahil sa paglabag sa iba’t ibang probisyon ng RA 4136, kabilang ang sasakyan na may depektibong mga kasangkapan, kagamitan, o bahagi (157), paglabag sa batas na pagmamaneho (118), kabiguan na magdala ng OR/CR habang nagmamaneho ng sasakyan (113), pagmamaneho na naka-tsinelas (45), pagmamaneho nang walang balidong lisensya (42), hindi awtorisadong pagbabago sa sasakyan (32), at paglapastangan sa mga traffic sign (28). | ulat ni Merry Ann Bastasa