Mula nang paigtingin ng Land Transportation Office (LTO) ang kampanya nito sa ‘No Registration, No Travel’ policy, tumaas ang bilang ng mga motoristang may ‘delinquent vehicles’ o mga hindi rehistrado ang nagtutungo sa mga tanggapan ng LTO para magparehistro.
Sa tala ng LTO-NCR, mayroon nang higit 32,000 may-ari ng mga delikwenteng sasakyan at motorsiklo ang nagparehistro mula January 1 hanggang 23, 2024.
Ayon kay LTO-NCR Regional Director Roque “Rox” Verzosa III, binubuo ito ng 11,745 sasakyan at 20,625 motorsiklo na may delikwenteng mga account sa pamahalaan.
Aniya, malinaw na resulta na ito ng masusing mga operasyon sa pagpapatupad ng batas na isinagawa ng mga tauhan mula sa regional at district law enforcement ng LTO-NCR.
“This could be attributed to our intensified law enforcement operation against unregistered motor vehicles. Good job po sa RLES at sa DLETs (District Law Enforcement Teams) natin,” sinabi ni Verzosa.
Kaugnay nito, tiniyak ng LTO-NCR na mas palalawakin pa nito ngayong 2024 ang mga operasyon laban sa mga hindi rehistradong sasakyan.
Una nang iniutos ni Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza ang mga regional na opisina na masusing ipatupad ang patakaran ng “No Registration, No Travel” policy dahil sa malaking bilang ng mga sasakyang may mga isyu sa dokumentasyon sa buong bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa