Tiwala ang isang mambabatas na lalo pang tataas ang produksyon ng palay sa bansa ngayong taon matapos paglaanan ng higit P30 billion ang National Rice Program (NRP) sa ilalim ng 2024 National Budget.
Ayon kay Bicol Saro Party-list Representative Brian Yamsuan ang P30.8 billion na pondo ng NRP ay mas mataas ng kalahating milyon kumpara sa budget noong nakaraang taon.
Maliban pa aniya ang pondo na ito sa cash aid na matatanggap ng mga maliliit na magsasaka ng bigas mula sa nakolektang taripa mula sa imported na bigas noong 2023, salig sa Rice Tariffication Law.
Dagdag pa ni Yamsuan, mayroon ding P24.11 billion na pondo para sa production support services gaya ng seed banks, insurance coverage at pest control ngayong 2024.
Nagkaroon din aniya ng 40 percent na pagtaas sa pondo ng irigasyon na may halagang P1.01 billion bilang paghahanda sa tag tuyot na dala ng El Niño.
“We are confident that not only the agriculture department, but other agencies across all other concerned sectors would be fully prepared for this prolonged dry spell to ensure that our rice farmers get all the support they need to continue improving their productivity and incomes amid this challenge,” sabi ni Yamsuan.
Pinapurihan din ng mambabatas ang matagumpay na pagpapatupad ng Republic Act 11598 o Cash Assistance for Filipino Farmers Act, kung saan ang sobra sa P10 billion tariff collection ay direktang ibibigay sa rice farmers bilang cash aid.
Umaasa naman ang Bicolano lawmaker, na maisabatas ang kaniyang House Bill 7963 na layong magtatag ng pension fund para sa mga magsasaka. | ulat ni Kathleen Forbes