Aabutin ng P221 billion hanggang P360 billion ang kailangan gastusin ng mga jeepney operator at driver para mapalitan ang lahat ng nasa 250,000 na tradisyunal na jeep ng modern units sa ilalim ng PUV modernization program.
Ito ang inihalad ni 1-rider party-list Rep. Bonifacio Bosita sa pagpapatuloy ng pagtalakay ng Kamara sa implementasyon ng programa.
Pagbabahagi pa ng mambabatas, maraming unit ng modern jeep ang nakatengga, halimbawa sa Taguig, na nagpapakitang hirap ang mga driver at operator na bayaran ang mga ito.
Sa kasalukuyan, nagbibigay ng subsidiya ang pamahalaan sa kada unit ng modern jeep na nagkakahalaga ng P985,000 hanggang P2.8 billion.
Pero ayon kay Bosita, kulang ang budget na nakalaan para dito.
Noong 2022 nasa P1 billion lang ang halaga ng subsidiya, zero noong 2023 at P1.3 billion lang ngayong 2024.
“Napakalaking amount po nito. Hindi po ito kayang bayaran ng mga operator at driver. Wala na pong makuhang driver ang mga ito (idle units). Taumbayan po ang magbabayad nito at kokolektahan ng mga driver [ng pamasahe],” aniya.
Batay naman sa datos na nakalap ng mambabatas nasa 342 transport service entities o cooperatives ang umutang sa bangko para sa pagbili ng modern jeep.
168 sa mga ito ay kumuha ng loan sa Landbank of the Philippines (LBP), 108 sa Development Bank of the Philippines, at 66 sa pribadong bangko. | ulat ni Kathleen Forbes