Pinasiyanaan ngayong araw sa Manila Yacht Club sa lungsod ng Maynila ang historical marker ng Pagdating ng Pan Am China Clipper sa bansa na sinasabing may malaking ambag sa kasaysayan ng bansa.
Ayon sa historical marker na ipinakita sa publiko, ang Pan Am China Clipper ang tinaguriang kauna-unahang transpacific airmail service na lumapag sa Maynila noong Nobyembre 29, 1935 mula San Francisco sa Estados Unidos.
Sinabing tinawid nito ang himpapawid ng Pasipiko at dumaan sa Honolulu, Hawaii, at mga isla ng Midway, Wake, at Guam bago dumating ng Pilipinas.
Ayon sa marker, ang dalahikan sa bahaging kinatatayuan ngayon ng Manila Yacht Club ay ipinatayo noon upang magsilbing angkorahe ng China Clipper ngunit hindi ito ipinagamit ng US Federal Aviation dahil sa problema sa disensyong technical.
Sa kabila nito ay nagbigay daan ang paggamit ng nasabing eroplano bilang isang commercial vehicle na kumonekta sa Pilipinas at Estados Unidos.
Nakatulong din umano ito sa pagpapabilis ng dalay ng pamamahala, transportasyon, at komunikasyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Kasama sa isinagawang unveiling ng “Pan Am China Clipper” historical marker ngayong araw ay ang mga Board of Directors ng Manila Yacht Club, US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson, Dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, at Chairman ng National Historical Commission of the Philippines Dr. Emmanuel Franco Calairo. | ulat ni EJ Lazaro