Muling iginiit ni House Appropriations Chair Elizaldy Co ang ligalidad ng unprogrammed funds.
Tugon ito ng mambabatas sa petisyon ni Albay Representative Edcel Lagman hinggil sa pagtataas sa halaga ng unprogrammed appropriations sa 2024 National Budget na aniya’y lagpas sa budget ceiling na itinakda sa National Expenditure Program (NEP).
Diin ni Co ang unprogrammed funds ay hindi bahagi ng NEP.
Ito aniya ay ‘wish list’ o ginagamit sa mga emergency na kapag nagkaroon ng sobrang pondo ay saka lang mapaglalaanan.
Inilalabas lamang din aniya ang unprogrammed funds kung may sertipikasyon mula Department of Budget and Management at Treasury na may sobrang revenue.
Ganito aniya ang ginawa noong COVID-19 pandemic.
“Hindi siya bago sa system…Hindi po yan illegal. Ang gamit po niyan kapag may emergency like COVID, kinulang pa nga tayo. Gumastos po tayo ng ₱400-billion. Nag-slash ng pondo sa NEP at may mga proyektong hindi natuloy, para lang matugunan ang bagong pangangailangan,” paliwanag ni Co.
Matagal na rin aniyang kasama ang unprogrammed appropriations sa national budget bilang paghahanda sa mga emergency situations.
“Kailangan nating mag-planning para pag may extra funds o extra revenue ay may paglalagyan. Kasi hindi trabaho ng ating government mag-save ng pera ngunit kailangan nitong gamitin ang extra funds para ang ating ekonomiya ay magkaroon ng growth. Ang gusto natin ay double digit growth. Direct assistance sa ating mamamayan specially sa panahon ngayon medyo mataas ang inflation na kinokontrol natin. Naglalagay tayo ng pondo na just in case magkaroon ng extra revenue para po sa ating mga mamamayan,” dagdag ni Co.
Sabi pa ni Co na sa mga nakaraang budget na may unprogrammed funds ay sinang-ayunan at lumagda naman umano si Lagman na naghahayag ng pagsang-ayon nito sa naturang pondo.
“Matagal nang meron nito nandito na yan kahit naging chairman pa si Lagman sa Appropriations nung 2007 meron na yan even before him. Matagal na yang meron. Last 15 years sa Bicameral Conference Committee… even last year — meron akong documents na pumirma siya kaya legal po yan ‘di illegal,” diin ng House Panel chair. | ulat ni Kathleen Jean Forbes