Beberipikahin ng House Committee on Appropriations ang mga ulat na tumanggap ng P51 billion uprogrammed funds ang distrito ni Davao City Rep. Paolo Duterte noong nakaraang Kongreso.
Sa isang panayam, sinabi ni Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy Co, chair ng komite, na 18th Congress pa ay may mga ulat na ukol sa pagbubuhos ng pondo sa Mindanao, partikular sa Davao.
“Sabagay, nung 18th Congress ay naririnig ko na yan na napakalaking pondo ang na-release sa south sa Mindanao, especially Davao tawag daw diyan Holy Land.” ani Co.
Kung totoo man aniya ito, ay sobra-sobra ang P51 billion na alokasyon dahil ang average aniyang allotment ay nasa P500 million hanggang P1 billion lang.
Pinapahanap na aniya niya ang mga dokumento ukol dito.
“That is so much yan 51 billion… Wala pa akong hawak na dokumento pero pinapahanap ko na po ito…ang average 500 million to P 1 billion. Pag 2 billion, 3 to 4 billion medyo sacred cow ka niyan,” dagdag niya
Wala pa naman tugon si Rep. Duterte hinggil dito.
Ngunit una na niyang sinabi sa isang pahayag na ngayong 2024 ay tinapyasan aniya ng House leadership ang pondo ng Davao ng P2 billion at pinaglaanan na lamang ng P500 million.
“I also would like to inform all Dabawenyos, most especially in my district, that the House leadership has taken out P2 billion from your NEP budget for the district and left only a measly P500 million for Dabawenyos this year,” saad ni Duterte sa isang facebook post. | ulat ni Kathleen Forbes