Inaprubahan ng House Committee on Transportation ang mosyon ni Laguna Rep. Dan Fernandez na hilingin kay Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. na ipagpaliban ang itinakdang January 31, 2024 deadline para sa consolidation ng prangkisa ng PUV operators sa ilalim ng modernization program.
Ayon kay Fernandez, marapat lang na ipagpaliban muna ang naturang deadline upang bigyang pagkakataon ang Department of Transportation (DOTr) na tugunan at solusyunan ang mga problema sa PUV modernization program.
Ilan sa mga ito ay ang pagpapanatili ng iconic na itsura ng jeep, assessment sa magiging halaga ng pasahe, panuntunan sa pagpili ng ‘modernized jeep’ at ilang isyu sa pagitan ng mga jeepney driver at kanilang operators o kooperatiba na inaangkin ang mga nabiling unit ng jeep.
Para sa mambabatas, maigi na iurong na lang ang naturang deadline upang mapangalagaan pa rin ang kapakanan at kabuhayan ng mga tsuper.
Agad namang inatasan ni Antipolo Rep. Romeo Acop, Chair ng komite ang committee secretariat na agad balangkasin ang naturang resolusyon para maaprubahan sa susunod na pagdinig.
December 31 2023 ang orihinal na petsa ng deadline para sa consolidation ngunit pinalawig ng DOTr. | ulat ni Kathleen Forbes