Pinakawalan ng CENRO Sta. Cruz ang iba’t ibang buhay-ilang o wildlife sa Mts. Banahaw-San Cristobal Protected Landscape sa bahagi ng Laguna, katuwang ang Wildlife Rescue Center ng Biodiversity Management Bureau.
Ayon sa DENR Calabarzon, 64 endemic o indigenous wildlife ang pinakawalan, na binubuo ng 34 Asian box turtles, 10 Brahminy kites, 10 Philippine serpent eagles, at 10 reticulated pythons.
Ang Asian box turtles ay pinakawalan sa paligid ng Taytay Falls sa bayan ng Majayjay, samantalang ang mga ibong Brahminy kite, ang Philippine serpent eagles, at ang pythons ay ini-release sa Nagcarlan.
Bago pakawalan sa kani-kanilang natural na tirahan, ang mga wildlife ay sumailalim sa obserbasyon at rehabilitasyon sa pangunguna ng isang licensed veterinarian para sa issuance ng health certificates.
Ang aktibidad ay alinsunod sa RA 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act. | ulat ni Mara Grezula | RP1 Lucena
Photos: DENR IV-A