Asahan ang mas malawak at inklusibong serbisyo ng gobyerno sa pag-arangkada ng ‘Bagong Pilipinas’ campaign ng administrasyong Marcos.
Ito ang binigyang-diin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. sa kanyang pakikiisa sa isinagawang kick-off rally ng Bagong Pilipinas sa Quirino Grandstand kahapon.
Sa kanyang talumpati sa kick off rally, sinabi ng kalihim na bilin mismo ni Pangulong Marcos na maibaba ang lahat ng serbisyo ng gobyerno sa mga mamamayan.
Kaya naman, matapos ang aktibidad kahapon, ay patuloy aniyang iikot ang iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan sa iba pang panig ng bansa.
Tinukoy pa ng kalihim ang digitalisasyon na kasama rin sa itinataguyod ng DILG para sa Bagong Pilipinas.
Bukod sa mga kawani ng DILG, kasamang nakiisa sa kick off rally ng Bagong Pilipinas ang iba’t ibang local executives bilang pagpapahayag ng suporta sa hangarin ng administrasyon. | ulat ni Merry Ann Bastasa