Aabot sa 29 na Overseas Filipino Workers (OFWs) ang nakatakdang magbalik-Pilipinas ngayong araw buhat sa Israel.
Bahagi pa rin ito ng repatriation efforts ng pamahalaan para sa mga Pilipinong nagnais nang umuwi bunsod ng nagpapatuloy na gulo sa pagitan ng Israeli forces at ng grupong Hamas.
Batay sa abiso ng Department of Migrant Workers (DMW), ganap na alas-3:10 ng hapon mamaya nakatakdang lumapag ang Etihad Airways Flight EY424 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City.
Lulan nito ang 28 caregivers at isang hotel worker na napabilang sa ika-15 batch ng mga OFW na uuwi sa bansa at makatatanggap ng tulong mula sa pamahalaan.
Sa kabuuan, sinabi ng DMW na aabot na sa 424 na mga Pilipinong manggagawa sa Israel ang piniling umuwi na sa bansa para makapiling ang kani-kanilang pamilya. | ulat ni Jaymark Dagala