Pinangunahan nina Minister Abuamri Taddik ng Ministry of Trade, Investment and Tourism at Minister Hussein Muñoz ng Ministry of Public Order and Safety ang pagdiriwang ng ikalimang taong anibersaryo ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa lalawigan ng Sulu ngayong umaga.
Sinimulan ito sa pamamagitan ng isang motorcade na kung saan ay nag-ikot sa ilang bahagi ng Jolo, Indanan at Patikul na may temang “A journey towards mutual understanding, peaceful co-existence, and a shared future in the Bangsamoro”.
Dinaluhan ito ng mga personalidad mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. Hindi man personal na nakadalo sina Governor Abdusakur Tan at MGen Ignatius Patrimonio, dahil mayroon ding equally important event na pinuntahan ang mga ito, nagpadala naman sila ng kanilang mga kinatawan.
Ipinaabot ni Minister Taddik ang pasasalamat kay Sulu Governor Abdusakur Tan sa kanyang suporta sa pamahalaan ng Bangsamoro.
Dagdag pa nito, ang araw na ito ay araw din ng pagpapasalamat sa Poong Maykapal at sa pamahalaang nasyonal dahil tuluyan nang naibigay sa mga Bangsamoro ang kanilang karapatan na magiging daan sa pag-unlad ng kanilang pamumuhay.
Idinadalangin nito na mas lalo pang gaganda ang buhay ng bawat Bangsamoro at inaasahan ding marami pang mga programa at serbisyo ang hatid ng BARMM. | ulat ni Fatma Jinno | RP1 Jolo