Dalawang bagong wrecker cranes ang binili ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa agarang pagtugon sa road emergencies at disaster response.
Matapos ang blessing ceremony ng bagong wrecker cranes, agad itong nagamit ng MMDA Road Emergency Group sa kanilang operasyon.
Ilang malalaking sasakyan, kabilang ang trailer truck at tanker, na sangkot sa aksidente o tumigil sa daan sa magkakahiwalay na insidente ang agad na nahila ng dalawang heavy-duty wrecker cranes ng ahensiya.
Ayon kay MMDA Acting Chairperson Atty. Don Artes, ang bagong wrecker cranes ng ahensya ay kayang humila ng malalaking sasakyan na may timbang na 50 tonelada pataas.
Binigyang diin ng opisyal na ang pagresponde sa mga aksidente at iba pang insidente sa daan, ay mahalaga ang agarang aksiyon para maalis sa lugar ang mga road obstruction na nakakaapekto sa daloy ng trapiko.
Nagpaalala naman ang MMDA, na maaaring tumawag sa MMDA Hotline 136 para sa anumang emergency sa daan. | ulat ni Diane Lear