Walang problema sa ilang consumer ang pagbabawas sa timbang o laman sa kada pakete ng ilang brand ng kape.
Ito’y matapos ianunsyo ng Department of Trade and Industry Philippines (DTI) na inaprubahan nito ang hirit ng ilang manufacturer ng kape na magbawas nalang ng timbang sa kanilang produkto.
“For coffee, the three SKUs with price adjustments are characterized by weight reduction, accompanied by either a decrease in price or no change in price,” pahayag ng DTI.
Sa pwesto ni Aling Mylene sa Central Avenue, mabentang-mabenta raw ang kape lalo ngayong lumalamig ang panahon.
Iba-iba ngang brand ng kape ang makikita sa kanyang pwesto dahil iba-iba rin ang gusto ng kanyang mga suki.
Nasa ₱13 hanggang ₱15 ang bentahan nito ng kape sa kanyang pwesto na may kasama nang mainit na tubig at timplado na sa isang styro cup.
Naabutan pa ng RP1 team si Ate Prezel na nagpapatimpla ng kanyang kape. Ayon sa kanya, okay lang na magbawas na lang ng timbang basta hindi magbabago ang lasa ng kanyang paboritong kape.
Ang trike driver ding si Mang Seth, sinabing mas masakit sa bulsa kung presyo ang itataas.
Una nang inilabas ng DTI ang bagong suggested retail price bulletin kung saan may mangyayaring paggalaw sa ilang presyo ng siyam na grocery items kabilang ang asin. | ulat ni Merry Ann Bastasa