Dismayado ang ilang delivery rider sa Quezon City dahil tatamaan sila ng panibagong taas-presyo sa gasolina ngayong araw.
Epektibo kaninang alas-6 ng umaga, ipinatupad na ng mga kumpanya ng langis ang dagdag na ₱2.80 kada litro ng gasolina.
Karamihan sa mga nakapanayam na driver ng RP1 team, nagpakarga na kagabi pa para kahit papaano ay makatipid ng gasolina ngayong araw.
Ayon kay Mang JC, paniguradong ramdam nila buong linggo ang taas-presyo sa petrolyo lalo’t araw-araw silang nagpapakarga ng gasolina.
Sinabi ni Kuya Jeric na nasa ₱50 rin ang tantya niyang idadagdag niya sa pang-gasolina kada araw dahil sa oil price hike.
Kanya-kanyang diskarte na lang ang mga delivery rider para makabawi pa rin sa kita kabilang na riyan ang pag-cancel kung malayo ang booking at mas mahabang oras ng duty para mas malaki pa rin ang kikitain. | ulat ni Merry Ann Bastasa