Naghain ng Temporary Restraining Order sa Mandaluyong City Regional Trial Court ang isang grupo ng PUV operators.
Ito’y para ipatigil ang expansion ng pilot study ng Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Technical Working Group para sa Motorcycle Taxi.
Ayon kay Raphael “Alpha” Martinez, Operator ng UV Express, malaki ang mawawala sa kanila sa sandaling payagan na nang tuluyan ang pamamasada ng mga motorcycle taxi sa lansangan na wala namang prangkisa.
Magugunitang isang Special Order ang inilabas ng Department of Transporation (DOTr) noong 2019 para sa paglikha ng Technical Working Group para pag-aralan ang mga panuntunan sa regulasyon ng MC Taxi.
Sinabi ni Martinez, hindi naman sila tutol sa paglalagay ng motorcycle taxi subalit kailangang magkaroon na ng batas na siyang magtataguyod dito.
Aniya, limang taon nang pinag-aaralan ang Motorcycle Taxi subalit wala pang malinaw na datos na nagsasabing kailangan ang operasyon ng mga ito at mailagay sa legal na proseso. | ulat ni Jaymark Dagala