May ilang jeepney driver/operator sa Anonas, Quezon City ang nakapag-consolidate bago matapos ang deadline ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na December 31.
Kabilang dito si Mang Rommel na December 31 din nagsumite ng aplikasyon sa LTFRB.
Ayon sa kanya, nagdesisyon siyang humabol sa franchise consolidation dahil natatakot na hindi na makabiyahe pa ngayong taon.
Umaasa naman itong matulungan ng gobyerno para makaya ang gastos sa jeepney modernization.
Sa kabilang banda, may ilang jeepney driver naman na gaya ni Mang Benjie na desidido nang hindi makikisali sa modernization program.
Wala raw talaga itong balak na magpa-consolidate at naghihintay na lang sa kanyang magiging kapalaran sa mga susunod na buwan.
Una nang sinabi ng LTFRB na walang magiging transport crisis sa Metro Manila kahit natapos na ang deadline sa industry consolidation.
Sa ilalim ng MC 223-052, nakasaad na hindi na makakabiyahe pa ang mga unconsolidated sa mga rutang may 60% o higit na ang nakapag-consolidate; papayagan naman silang bumiyahe hanggang Jan. 31, 2024 sa mga ruta na mas mababa sa 60% o wala pang nakapag-consolidate. | ulat ni Merry Ann Bastasa