Walang balak sumama ang mga jeepney driver na may biyaheng Delta-Panay-West Avenue sa panibagong transport caravan ng grupong MANIBELA bukas.
Karamihan kasi ng mga tsuper dito, kahit na traditional jeepney ang minamaneho ay mga nakapag-consolidate na.
Ayon kay Mang Bennie, walang dapat ipag-alala ang kanilang mga pasahero dahil tuloy lang ang kanilang pasada bukas.
Kaugnay nito, sinabi ni Mang Bennie na nanghihinayang ito sa mga kapwa operator na hindi sumali at nagduda sa PUV Modernization Program.
Pero ayon din sa kanya, tama lang na hindi na pinalawig pa ang deadline ng industry consolidation dahil kung gagawin ito ay baka hindi na aniya umusad pa ang Modernization Program.
Batay sa abiso ng grupong MANIBELA, isang transport big day ang ikakasa nito bukas, January 16, kung saan nasa tinatayang 10,000 tsuper at operator aniya ang makikiisa.
Magtitipon-tipon ang grupo sa UP Diliman bukas at magsasagawa ng transport caravan mula Welcome Rotonda patungong Mendiola. | ulat ni Merry Ann Bastasa