Bukas ang ilang jeepney driver sa Quezon City na magmaneho sa mga transport cooperative sakali mang magbukas ang mga ito ng aplikasyon sa ilalim ng PUV Modernization Program.
Kasunod ito ng pahayag ng Office of Transport Cooperatives na handa ang mga kooperatiba at korporasyon na tumanggap ng mga driver mula sa mga unconsolidated operators para sila ay makabiyahe pa rin.
Ilan sa mga tsuper na nakapanayam ng RP1 team sa bahagi ng Elliptical Road, ay nakapag-consolidate na raw ang mga operator kaya kumpiyansa pa ring makakapasada hanggang sa mga susunod na buwan.
Gayunman, may iilan ding hindi tiyak kung nakahabol sa consolidation ang kanilang operator.
Ayon kay Mang Arsel, kung may magbubukas na aplikasyon at mas magandang oportunidad ay handa siyang subukan ito.
Sa kabilang banda, may ilang tsuper naman ang may agam-agam dahil nasanay na raw sa single operator at nag-aalala rin kung paano ang kita sa mga modernized jeep.
Una nang sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na huhulihin na nito sa February 1 ang mga public utility vehicle driver na hindi nag-consolidate o sumama sa kooperatiba o korporasyon noong December 31. | ulat ni Merry Ann Bastasa