Rumesponde ang Philippine Red Cross (PRC) sa mga pamilya at indibidwal na apektado ng mga pagbaha sa Davao Region dahil sa masamang panahon na dala ng shearline.
Nag-deploy ang PRC Davao de Oro Chapter ng water search and rescue team sa Munisipalidad ng Nabunturan upang umasiste sa lokal na pamahalaan sa paglilikas ng mga pamilya matapos na hindi madaanan ang ilang mga kalsada dahil sa pagguho ng mga lupa at pagbaha.
Ayon sa PRC, nasa 34 pamilya o 98 indibidwal na na-stranded sa kanilang mga bahay sa Barangay Magading ang dinala sa evacuation center ng naturang barangay upang mabigyan ng pagkain at ibang pang tulong.
Tiniyak naman ni PRC Chairman at CEO Richard Gordon na palaging naka-alerto ang kanilang mga chapter sa buong bansa upang agad na rumesponde sa mga kababayan natin na biktima ng bagyo o pagbaha.
Binabantayan na rin ng PRC ang sitwasyon sa iba pang apektadong lugar gaya sa South Cotabato at Cotabato City.
Sa ngayon, mahigit 1,000 pamilya sa Davao Region ang kasalukuyang tumutuloy sa mga evacuation center dahil sa mga pagbaha na dala ng malakas na ulan simula pa noong Lunes.| ulat ni Diane Lear