Mas pabor sina Senador Jinggoy Estrada at Senador Nancy Binay na talakayin ng Senate Committee of the Whole ang panukalang pagbabago sa economic provision ng Konstitusyon sa halip na bumuo ng subcommittee.
Ayon kay Estrada, mas maraming senador ang makakasali agad sa diskusyon kung Senate Committee of the Whole, na pangungunahan ni Senate President Juan Miguel Zubiri, ang tatalakay sa Resolution of Both Houses No. 6.
Bukod dito, iginiit ng senador na wala pang sasama ang loob lalo’t hindi pa nila nakakausap ang chairperson ng Senate Committee on Constitutional Amendments na si Senador Robin Padilla.
Sinabi naman ni Binay na dapat maging malawakan ang pagtalakay sa ipinapanukalang charter change para matiyak na maayos ang pagbalangkas ng mga pagbabago.
Naniniwala ang Senador Binay na mahabang proseso pa ang tatahakin ng cha-cha dahil kinakailangan itong dumaan sa proseso at hindi dapat minamadali.
Samantala, tiwala naman ang dalawang senador na magiging limitado lang sa economic provisions ang isusulong na pagbabago sa konstitusyon. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion