Target ng Energy Regulatory Commission (ERC) na tapusin sa loob ng anim hanggang walong linggo ang imbestigasyon sa nangyaring malawakang blackout sa Panay Islands.
Ayon kay ERC Chairperson Monalisa Dimalanta, may itinalaga na silang Interim Management Committee na binubuo ng mga technical expert na syang tututok sa imbestigasyon sa nangyaring insidente.
Ito rin umano ang mga nag-imbestiga sa nangyaring system disturbance sa Panay at Negros Sub-Grid noong Abril ng nakaraang taon na tinapos lang sa loob ng anim na linggo.
Sa ngayon aniya, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa nangyaring insidente.
Inaasahang magkakaroon ng mga karagdagang impormasyon sa susunod na linggo at magkaroon na ng linaw sa malawakang brownout.
Simula pa kahapon, balik na sa normal ang suplay ng kuryente sa buong Western Visayas.| ulat ni Rey Ferrer