Sisimulan ng House Committee on Transportation ang pagsisiyasat sa napaulat na katiwalian sa pagpapatupad ng public utility vehicle (PUV) modernization sa susunod na linggo.
Tugon ito sa panawagan ni Speaker Martin Romualdez sa komite upang alamin kung may katotohanan ba na may iregularidad sa programa na ikinasa ng nakaraang administrasyon.
Ayon kay Antipolo City Rep. Romeo Acop, chairman ng House Committee on Transportation, kinukuha na niya ang pagsang-ayon ng mga miyembro ng komite para isagawa ang motu proprio investigation sa Miyerkules, January 10.
“We are responding to the directive of Speaker Romualdez to investigate these very serious allegations. We will just get the consensus of members of the committee so we can start our hearings by Wednesday,” saad ni Acop.
“We cannot allow corruption to take root in the implementation of the modernization program. If we are to proceed with the modernization of our PUVs, we must make sure there is not even a whiff of irregularity,” dagdag niya.
Paglilinaw pa nito na kahit na walang resolusyon o privilege speech na nananawagan para sa naturang pagsisiyasat, maaari nilang gawin ang imbestigasyon salig sa Section 2 ng House Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation.
Dito nakasaad na kung mayorya ng miyembro ng komite ay papayag sa motu proprio action at makakuha ng pag sang ayon ng Committee on Rules ay makapagsasagawa sila ng imbestigasyon.
“So it is clear that under our rules, we can proceed with the investigation. And I believe this a matter that requires our urgent attention. Lalo na’t kabuhayan ng ating mga kababayan ang nakasalalay sa epektibong pagpapatupad ng programang ito,” sabi ni Acop.
Una nang tinukoy ni Speaker Romualdez ang ulat na ang mga kasalukuyang transport officials ay nakipagsabwatan sa mga dating opisyal ng ahensya para sa negosasyon ng importasyon ng modern jeepney units para palitan ang mga lumang jeep.
Pinakokonsidera naman ng House leader sa Department of Transportation ang pagrepaso at pagpapalawig sa pagpapatupad ng programa na nag-aatas sa mga jeepney operator at driver na sumali o bumuo ng transport cooperative.
Nagtapos na nitong 2023 ang pagsali sa kooperatiba, ngunit pinalawig hanggang sa katapusan ng buwang ito. | ulat ni Kathleen Forbes