Pinasigla pa ng Quezon City Jail Male Dormitory (QCJMD) ang kanilang tree planting activity at clean-up drive sa Lungsod Quezon.
Ang inisyatiba ng QCJMD ay bilang pagtalima sa “Kalinga at Inisyatiba para sa Malinis na Bayan o KALINISAN Program” na inilunsad ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ayon kay City Jail Warden, JSupt. Michelle Ng Bonto, sa tulong ng Department of Environment and Natural Resources muli pang nagsagawa ng tree planting activity at clean up drive ang QCJMD Community Relations Service Unit sa DENR La mesa Watershed Nursery area.
Layunin din ng aktibidad na itaas ang kamalayan sa kahalagahan ng pagtatanim ng mga puno, at upang mapanatili ang isang malusog at ligtas na kapaligiran.
Sabay ding isinagawa ng mga jail personnel ang paglilinis sa kapaligiran ng watershed area.
Nauna nang nagpatupad ng paglilinis ang mga jail personnel sa mga kalsada at sa Lagarian Creek sa Barangay Kamuning, katuwang ang mga tauhan ng barangay.
Sa panig ng DILG, sinabi ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na huwag sanang maging ningas-kugon ang proyekto, at sana ay tuloy-tuloy ang commitment para sa KALINISAN. | ulat ni Rey Ferrer