Kinumpirma ng Land Transportation Office (LTO) na isa pang empleyado nito ang at-large o pinaghahanap sa ngayon dahil sangkot rin sa pagnanakaw ng plaka sa planta ng ahensya.
Iniharap ngayong umaga nina LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II at Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr., ang tatlong empleyadong naaresto kahapon matapos na maaktuhang nagpupuslit ng limang plaka sa LTO Central.
Kinilala ang mga itong sina Jenard Arida at Arjay Anasco na nagtatrabahong embossers, at Valeriano Labayno, warehouse staff, sa Plate Making Plant sa LTO Central Office.
Ayon kay LTO Chief Mendoza, may isa pang hindi naaresto sa operasyon kahapon na lumalabas na mastermind ng sindikato at ito ay tinutunton na ngayon.
Paliwanag ni Mendoza, isang taon na nilang minamanmanan ng Intelligence and Investigation Division (IID) ang kaduda dudang aktibidad sa loob ng planta ng ahensya.
Matapos ang inisyal na imbestigasyon, nitong lunes sumulat na ang LTO sa DILG para magpatulong na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek.
Ayon sa LTO, kapwa mga empleyado sa planta ang mga nahuli na ang modus, hindi lang basta pagnanakaw ng plaka, kundi sila mismo ang nagmamanufacture nito o “made to order” at ibinebenta sa ₱5,000-₱10,000 kada piraso.
May hawak rin aniyang CCTV footages ang LTO kung saan makikitang isinisingit ng mga suspek ang pag-imprenta ng plaka at saka ito patagong ipupuslit palabas ng planta.
Isasailalim na sa inquest proceedings ngayong umaga ang mga naarestong suspek kung saan kasama sa kaso ng mga ito ang qualified theft.
Tiniyak naman ng LTO na magpapatuloy ang malawakang imbestigasyon nito sa pangyayari upang matukoy kung may iba pang kasabwat ang mga ito sa loob ng ahensya at magsasagawa rin ng audit mula 2018 para malaman kung gaano karaming plaka na ang na-duplicate at naipuslit ng sindikato.
Binalaan din ni Mendoza ang mga bumili ng mga plaka ng sasakyan mula sa grupong ito na may kakaharapin din silang kaso dahil sa pagbili ng nakaw na plaka.
Nanawagan naman si DILG Secretary Benhur Abalos sa car owners na ipasuri ang naisyu sa kanilang plaka ng sasakyan upang matiyak na ito ay genuine. | ulat ni Merry Ann Bastasa