Naniniwala si House Deputy Minority leader France Castro na may pananagutan ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa nangyayaring island -ide blackout sa Panay simula pa Enero 2.
Ayon sa mambabatas, nakakadismaya na pagpasok ng taon ay ganito ang sasalubong sa mga residente ng Panay.
Nangyari na rin aniya ito noong nakaraang taon at ngayong 2024 ay naulit na naman.
“Milyon-milyong mamamayan ng Panay ngayon ang nagdurusa sa init at kawalan ng kuryente dahil hindi na naman ito napaghandaan ng mga power player. Suspendido ang mga klase at bagsak ang negosyo ng marami,” saad ng kongresista.
Nais din ni Castro na pagpaliwanagin ang distribution utility sa rehiyon at alamin kung ano na ang mga ginawa nitong hakbang para maisaayos ang kanilang imprastraktura para sana mas naging maayos ang koordinasyon sa pagitan ng mga system grid operator at generator.
“As it is though it is not just the power generators’ and NGCP’s fault, the distribution utility (DU) namely MORE Electric and Power Corporation of the Razon group of companies is also responsible for this…what has it done to improve its distribution infrastructure backbone and does it have seamless coordination with the system grid operator and the generators?” giit pa ng kinatawan.
Umaasa ang mambabatas na agad itong maisasaayos at maibabalik ang suplay ng kuryente dahil kung hindi ay dapat na itong paimbestigahan.
Sa ngayon, limitado pa rin ang suplay ng kuryente sa Panay Island matapos huminto sa operasyon ang apat na planta dahil sa pagpalya at maintenance shutdown. | ulat ni Kathleen Jean Forbes