Hindi pabor si Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez sa mga mungkahi na ibalik sa dati ang school calendar o June to March na pasok kumpara sa kasalukuyang August to May.
Aniya tumatama ang tag-ulan tuwing June hanggang March. Batay rin aniya sa mga pag-aaral mas makaunti o madalang ang ulan na nararanasan sa kasalukuyang school calendar.
Punto pa ni Rodriguez na mas maigi na ilayo ang mga mag-aaral sa sakit na nakukuha tuwing tag-ulan at banta ng pag-baha.
“Let’s retain the present academic calendar for the sake of our children. Let’s spare them from rainy-season related ailments, like colds, fever and flu. Let’s not expose our students and children to more rain, more flooding and more rainy weather-linked risks. The young – those in pre-school, kindergarten and in the grades – are the most vulnerable,” saad ng mambabatas.
Imbes din aniya na baguhin ang school calendar ay pagtuunan na lang dapat ng DEPED ang pagpapabuti sa ating edukasyon lalo na sa sciences, mathematics, information technology, history, culture, English, at moral values.
Pero para naman sa isang teacher solon, ang panawagan na ibalik ang school calendar sa June hanggang March ay pakiusap ng nakararaming mga estudyante, guro at magulang na pawang nagdurusa sa matinding init tuwing summer classes kung saan marami ang nagkakasakit at kinakailangang gamutin sa ospital.
Giit ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro mas marami ang nasasayang na oras sa pag-aaral tuwing tag-araw dahil maraming klase ang hindi naisasagawa ng maayos dahil sa napakatinding init ng panahon.
Sabi pa ng mambabatas na sa buwan ng Agosto hanggang Nobyembre dumarating ang mga matitinding bagyo.
Tinukoy pa nito na noong nakaraang taon ay suspendido na kaagad ang simula pa lang ng klase ng Agosto dahil sa bagyo. | ulat ni Kathleen Forbes