Inilipat sa pangangalaga ng PENRO Laguna ang isang Philippine long-tailed macaque mula sa isang anonymous concerned citizen na residente ng Brgy. Pacita 2, San Pedro City.
Ayon sa DENR Calabarzon, nasa maayos itong kondisyon at agarang inilipat sa Regional Wildlife and Rescue Center sa bayan ng Calauan.
Ang nasabing wildlife ay isang subspecies ng crab-eating macaque, na karaniwang tinatawag na matsing o unggoy.
Endemic o matatagpuan lamang ito sa mga kagubatan at kapatagan ng Pilipinas, lalo na sa mangrove forests ng western central Philippines tulad ng Palawan, Kabisayaan, at Mindanao.
Ikinakategorya ito bilang “other threatened species” sa ilalim ng DENR Administrative Order No. 2004-15, at bilang endangered sa ilalim ng International Union of Conservation of Nature o IUCN Red List of Threatened Species.
Nagpaalala naman ang PENRO Laguna sa publiko na ang pagpatay, pananakit, pagsira sa natural na tirahan, pagbebenta, paghuli, pagmamay-ari, at pagbiyahe ng buhay-ilang tulad ng matsing nang walang permits mula sa DENR, ay itinuturing na ilegal sa ilalim ng Section 27 ng RA 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act. | ulat ni Mara Grezula | RP1 Lucena
Photo: DENR IV-A