Pangkalahatang naging mapayapa ang pagdaraos ng makasaysayang pagbabalik ng Traslacion ng Itim na Nazareno para sa taong 2024.
Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) sa kabila ng mga naitalang kaso ng pagkakasakit gayundin ng pagkasugat ng ilang mga deboto at iba pa sa kasagsagan ng prusisyon.
Ayon kay Public Information Office Chief, Police Colonel Jean Fajardo, wala naman silang naitalang anumang untoward incident bago, habang, at pagkatapos ng Traslacion, gayundin ay walang nasawi, bagay na kanilang ikinatutuwa.
Batay sa datos ng National Capital Region Police Office (NCRPO), aabot sa mahigit pitong milyong deboto ang lumahok at nakiisa sa Traslacion mula Quirino Grandstand hanggang sa Basilika Minore ng Itim na Nazareno sa Quiapo.
Magugunitang alas-12 ng hatinggabi nang magsimula ang culminating activities para sa Traslacion sa pamamagitan ng “Misa Mayor” sa pangunguna ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Inabot ng 14 na oras ang Traslacion na nagsimula alas-4:46 ng umaga at ganap na naibalik sa Basilika ang andas ng Poong Itim na Nazareno ganap na alas-7:44 ng gabi
Ayon sa NCRPO, kung ikukumpara ay mas maaga ito ng dalawang oras kumpara sa pinakahuling Traslacion na isinagawa bago pumutok ang COVID-19 pandemic noong 2020 na tumagal ng 16 na oras. | ulat ni Jaymark Dagala