Hinikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local government unit (LGU) at mga Sangguniang Kabataan na makiisa sa ikakasa nitong bagong programa ngayong 2024 na Kalinisan sa Bagong Pilipinas.
Alinsunod ito sa inilabas na DILG MC 2024-001 na isasabay sa selebrasyon ng taunang Community Development Day sa January 6, 2024.
Layon ng inisyatiba na buhayin ang diwa ng bayanihan sa bawat Pilipino at pakilusin ang lahat ng gobyerno at sektor tungo sa pagkakaroon ng isang malinis na kapaligiran.
Kasama rin sa hangarin nito ang maipalaganap sa bawat Pilipino ang pagiging responsable sa pangangalaga ng kapaligiran, at mahikayat ang LGUs na iprayoridad ang mga proyekto sa solid waste management at ecological practices.
Kaugnay nito, inaatasan ang lahat ng mga barangay na bumuo ng iba’t ibang aktibidad sa “Kalinisan Day” kabilang ang coastal clean up, dredging ng mga kanal at estero, at malawakang paglilinis sa komunidad. | ulat ni Merry Ann Bastasa