Bukas ang Kongreso na tulungan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para maresolba ang isyu ng money laundering at tuluyang maalis ang Pilipinas sa “gray list” ng Financial Action Task Force (FATF) pagsapit ng Oktubre 2024.
Ito ang inihayag ni Deputy Minority leader at Bagong Henerasyon Party-list Representative Bernadette Herrera kasunod ng atas ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na pabilisin ang mga hakbang at paigtingin ang mga aksyon laban sa money laundering at counter-terrorist financing.
Isa ang DSWD sa mga ahensyang naatasan para bantayan ang posibleng money laundering activities, partikular sa hanay ng mga non-governmental social welfare service entitiy na pinaghihinalaang sangkot sa iligal na gawain.
Maaari aniya sila magsagawa ng executive session upang mailatag ng ahensya ang kailangang tulong para labanan ang money laundering at crime financing.
“We want DSWD to tell what they need from Congress for their anti-money laundering measures. They probably need an office staffed with financial audit and cybercrime specialists. They probably need a database with useful data,” sabi ng mambabatas.
Lubha kasi aniyang nakababahala na nagagamit ang social welfare services sa maling gawain at maituturing na pinakamalalang uri ng panlilinlang sa publiko. | ulat ni Kathleen Jean Forbes