Nagpapatuloy ang pagtugis ng pamahalaan kontra sa agricultural smugglers sa gitna ng maigting na kampanya ng administrasyong Marcos laban dito.
Sa Malacañang press briefing, inihayag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel na tuloy-tuloy ang kanilang anti-smuggling efforts lalo’t isa ito sa marching orders mismo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Direktiba ng Chief Executive ani Laurel sa kanila, linisin at hulihin ang mga smuggler kaya’t hindi aniya nila lulubayan ang mga nasa likod ng pagpupuslit ng mga produktong pang-agrikultura.
Sa katunayan, ayon sa Kalihim ay may nahuli na silang smuggler na dawit sa pagpupuslit ng sibuyas dalawang linggo matapos na siya ay maitalaga sa Kagawaran.
Bukod dito sabi ni Laurel ay nakakumpiska rin sila ng isang bilyong pisong halaga ng kontrabandong asukal sa lalawigan ng Bulacan kamakailan. | ulat ni Alvin Baltazar