Pinaghahandaan na ng Pamahalaang bayan ng San Mateo sa Rizal ang selebrasyon ng ika-46 na kapistahan ng Mahal na Sto Niño sa Enero 21,2024.
Bahagi ng kanilang preparasyon ang gaganaping Sto. Niño Festival Parade sa nasabing bayan.
Sa abiso ng LGU, isasara pansamantala ang kahabaan ng Gen. Luna Avenue mula alas-11 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi upang bigyang daan ang isasagawang parada.
Magsisimula ang festival parade sa Diocesan Shrine and Parish of Nuestra Señora de Aranzazu (DSPNSDA) at babagtasin ang kahabaan ng Brgy. Sta. Ana, Brgy. Guitnang Bayan I at II, Brgy. Dulong Bayan I at II, at pabalik ng DSPNSDA.
Sa mga motorista na patungo ng Montalban, mangyaring dumaan sa Paraiso (Miguel Cristi St.), kumaliwa sa Daang Bakal, dumiretso sa Patiis Rd. pabalik sa Gen. Luna Ave. at patungo na sa destinasyon.
Sa mga papuntang Quezon City, maaaring dumaan sa Rodriguez Highway at Payatas Rd. papuntang-Litex, Commonwealth bilang alternatibong ruta.
Sa mga magtutungo naman ng Marikina, maaaring gamitin ang Kambal Rd., C6 at Bypass Rd. bilang mga alternatibong ruta.
Dahil dito, inaasahan na ang pagbigat ng daloy ng trapiko sa mga apektadong lugar. | ulat ni Rey Ferrer