Kinasuhan na sa korte ang 11 indibidwal na pawang mga miyembro ng Communist Party of the Philippines – New Peoples Army dahil sa ginawa nitong pag-ambush sa mga tropa ng militar sa Occidental Mindoro noong nakaraang taon.
Sa resolution ng DOJ, nakitaan nila ng probable cause para kasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Anti-Terrorism Act of 2020.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Jovito Marquez, Antonio Baculo, Sonny Rogelio, Veginia Terrobias, Lena Gumpad, Job Abednego David, Jessie M. Almoguera, Reina Grace, Bethro Erardo Zapra Jr., Daisylyn Castillo Malucon, at Yvaan Copuz Zuniga.
Walang inirekomenda na piyansa sa mga ito para sa kanilang pansamantalang kalayaan.
Sa imbestigasyon ng DOJ, sinadya ng mga suspek ang pagpatay sa mga sundalo gamit ang mga matataas na kalibre ng armas at pampasabog nang tambangan ng mga ito sa Barangay Malisbong, Sablayan, Occidental Mindoro noong Mayo 30, 2023.
Dinismiss naman ng DOJ ang kasong war crimes sa ilalim ng Republic Act 9851 o An Act Defining and Penalizing Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide and Other Crimes Against Humanity.
Dalawang sundalo ng 68th Infantry Batallion ng Philippine Army ang namatay sa naturang ambush. | ulat ni Michael Rogas