Nalalapit nang maisakatuparan ang programang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) sa lungsod ng Alaminos, Pangasinan matapos malagdaan ang Memorandum of Agreement na lilikha ng programang ito.
Ang paglagda ay naganap sa pagitan ng Local Government Unit (LGU) ng Alaminos City sa pamumuno ni Mayor Arth Bryan Celeste, at pamunuan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa katauhan ni Undersecretary Emmanuel Pineda at Secretary Jose Rizalino Acuzar na kinatawan ni DHSUD Region 1 Regional Director Richard Venancio Fernando V. Ziga.
Ang nasabing kasunduan ang siyang lilikha ng murang pabahay na maaaring makuha ng mga mahihirap, kawani ng Gobyerno, at informal settlers.
Ang 4PH ay isa sa mga flagship program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr na may layuning makapagbigay ng murang pabahay sa milyo-milyong Pilipinong walang maayos na tirahan.
Layunin din ng programang matugunan ang 6.5 milyong pangangaylangan sa pabahay ng bansa sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang milyong unit bawat taon hanggang sa 2028.| ulat ni Ricky Casipit| RP1 Dagupan