Pangkalahatang naging mapayapa ang kick-off rally para sa Bagong Pilipinas na isinagawa sa Quirino Grandstand sa Luneta, Maynila kahapon.
Ito’y batay sa naging pagtaya ng Philippine Nationa Police (PNP) bago, habang, at matapos ang isinagawang pagtitipon.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Colonel Jean Fajardo, may mga naiulat sa kanila na dumalo sa naturang pagtitipon na kinailangang bigyan ng agarang atensyong medikal dahil sa pagkahilo at iba pang minor illness.
Pero suma-total aniya, naging maayos at mapayapa naman ang kabuuang takbo ng nasabing pagtitipon at wala silang naitalang anumang untoward incidents.
Sa kabuuan ani Fajardo, nagpakalat sila ng aabot sa 3,587 na mga tauhan bukod pa sa tinatawag na force multipliers mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), at Bureau of Fire Protection (BFP).
Gayundin ang mga naka-standby na medical teams mula sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila.
Tinataya namang aabot sa 400,000 indibidwal ang dumalo sa naturang pagtitipon. | ulat ni Jaymark Dagala
📸: RTVM