Tinitingnan ngayon ng Kamara ang pagbuo ng isang komprehensibong batas sa pagbibigay ng diskwento sa mga person with disability, senior citizen at solo parent.
Kasunod ito ng paunang pulong na ikinasa ng House Committee on Ways and Means, Senior Citizen at Special Committee in Persons with Disability hinggil sa mga ulata na hindi tamang pagpapatupad sa 20% at 12% VAT exemption ng naturang mga sektor.
Ayon kay Ways and Means Committee Chair Joey Salceda, mas maigi na pag-isahin na lang ang mga batas na sumasakop sa benepisyo at pribilehiyo ng PWDs, senior citizens at solo parents.
Ilan naman sa mga isyung lumabas sa pagdinig ay ang hindi tamang pagpapatupad ng discount ng mga establisyimento na nag-o-offer ng promo.
Ani Salceda, kahit naka-promo ang isang hotel, restaurant at pasahe sa transportasyon ay dapat pa ring kilalanin ang diskwento para sa mga PWD at senior.
Kasama rin sa mungkahi na dapat maisama ang diskwento sa online shopping, at ang hindi na pangangailangan na magpresinta ng discount booklet.
Ipapatawag din ang ilan sa mga mall na nagbibigay ng parking para sa panukalang discount sa parking fee gayundin ang MMDA para sa posibleng exemption ng seniors at PWD sa number coding scheme. | ulat ni Kathleen Forbes