Nanawagan si Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipagpaliban muna ang contribution hike ng PhilHealth na ipatutupad ngayong taon.
Batay sa abiso ng PhilHealth, mula sa 4% contribution rate ay itataas ito sa 5% salig na rin sa Universal Healthcare Law.
Ayon kay Brosas, sa gitna ng patuloy pa ring mataas na presyo ng bilihin at serbisyo ay malaking kabawasan sa sweldo ng mga manggagawa ang contribution hike na ito.
Dagdadag pa ng mambabatas, wala pa ngang napapanagot sa nabunyag na mga korapsyon sa ahensya gaya ng P15 billion na halaga ng Interim Reimbursement Mechanism.
Kasabay nito, muling nanawagan ang kinatawan na mapagtibay ang House Bill 408, na layong alisin ang probisyon sa UHC law para sa automatic increase ng premium contribution.
“The increase in premium rates is particularly insensitive to Filipino workers who are struggling to make ends meet on meager wages. This is precisely why we filed House Bill 408, which seeks to amend the UHC Law by repealing the provision for the automatic increase of premium contributions,” ani Brosas | ulat ni Kathleen Forbes