Pinasinayaan ng Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas sa ang bagong 11 na funeral chapels sa loob ng Public Crematorium and Columbarium sa Barangay Ilaya nitong Huwebes, January 25.
Ayon kay Las Piñas City Mayor Imelda Aguilar, ang mga bagong funeral chapel ay magpapalawak ng mahahalagang serbisyo ng lokal na pamahalaan para sa mga residente lalo na sa mga nangangailangan at kapus sa buhay.
Dagdag pa ng alkalde na ang naturang columbarium ng Las Piñas ay may kapasidad na 3,500 na niches o nitso na kayang i-accommodate ang 14,000 na urns.
Kaugnay nito ay may libreng libing program ang lokal na pamahalaan, kung saan libre ang paggamit sa isa sa mga bagong gawang chapel sa columbarium sa loob ng tatlong araw at dalawang gabi bawat benepisyaryo para sa burol ng kanilang namayapang mahal sa buhay.
Binigyang-diin pa ni Mayor Aguilar na ang mga bagong bukas na chapel ay ginawang PWD-friendly sa pamamagitan ng paglalagay ng rampa sa likod ng establishimento upang madaling makabisita sa kanilang namayapang mahal sa buhay o kamag-anak. | ulat ni AJ Ignacio